Likas sa ating mga Pilipino ang iba’t ibang uri ng handaan o kapistahan kung saan napakaraming masasarap na pagkain ang ating makikita at matitikman. Ngunit karamihan sa mga ito ay maaring magdulot ng masamang epekto sa ating katawan tulad na lamang ng problema sa bato, atake sa puso, malnutrisyon, o pagkakaroon ng abnormal na timbang.
Ano nga ba ang dapat nating gawin upang maiwasan ang mga ganitong komplikasyon?
- Disiplina sa Sarili. Ito ang pinakamahalaga sapagkat sarili natin ang pinakamatindi nating kalaban sa usapin ng pagkontrol sa ating mga kinakain. Nasa sa ating sarili ang pagpili kung gagawin natin ang tamang pagkain ng masusustansyang pagkain o hindi.
- Prutas at Gulay. Ang mga prutas at gulay na ating kinakain ay isa sa makatutulong upang mas mapaganda natin ang ating pangangatawan. Bukod sa masustansya na ang mga pagkaing ito, hindi rin ito masyado nakadaragdag ng sobrang timbang.
- Ehersisyo. Ang regular na pag-eehersisyo ay nakakatulong upang mas mapabuti, mapatibay, at mapalakas ang pangangatawan. Ito ay walang pinipiling edad, bata man o matanda ay may malaking benepisyong makukuha sa pag-eehersisyo. Ang pagkain ng masusustansyang pagkain ay laging kadikit ang pagkakaroon ng regular na ehersisyo upang makatulong sa pagbalanse ng katawan.
Halina’t kamtin natin ang isang malusog na pangangatawan. Sana ay hindi lang ako at ikaw ang magpursigeng gawin ito. Nawa ay sa tulong ng mga salitang ito ay mapalaganap natin ang kahalagahan ng tamang pagkain.
